Matigas Paniwalaan

FB_IMG_1505089132851

Eraserheads’ Sticker Happy Turns 20

They called themselves Eraserheads. They took it from David Lynch’s surreal horror film, which was released in 1977, the same year Punk exploded. Eraserheads took off in 1993, two years after Nirvana and grunge broke into the mainstream. Apparently, Lynch’s film was still popular among late ’80s – early ’90s film school circles. Punk, on the other hand, was on the verge of another revival. The Eraserheads were never punk, though they flirted with punk and discord more than once (i.e., Insomya). What they surely had in abundance though, especially in their early days, was “punk attitude”. Twenty years after David Lynch’s film debut came Sticker Happy. And twenty years later, the girl in front of the upright piano still has her back on us, but that’s OK—the songs are still sticky, colorful. We, the fans, happy.

Wala lang. 20th anniversary kasi ng paborito kong album na Sticker Happy. Oo, tama yung may nakahubad na babae sa cover. Wala na sigurong mas iconic pa dito. Kahit yung cover ng paborito kong Abbey Road (yung LP ha, at hindi yung EP na may “The” sa title)? Walang sinabi yun. Pero di tulad ng Pavement, Radiohead at Nirvana walang inilabas na re-issue o special edition ng Sticker Happy (ganun din naman yung mga naunang albums ng ‘Heads). Samakatuwid, walang Wowee Zowee: Sordid Sentinel Edition o Slanted & Enchanted: Luxe and Reduxe. Pero OK lang, pwede namang magpatugtog ng mga live recordings nila circa Sticker Happy mula sa baul ni Schizo (unfortunately, wala palang bootlegs sa mga panahong iyon).

Mahirap i-describe ang mga kanta ng Eraserheads. May mga kantang malungkot ang tema, pero masaya. Maganda ang melody pero maingay din kung minsan. Pangkaraniwan ang boses ni Ely, di tulad nina Bamboo o Axl Rose, pero kakaiba ang dating ng mga kanta nila. Hindi masyadong teknikal, pero magaling. Madaling sakyan pero hindi baduy. Pero ibang usapan na pagdating sa Sticker Happy. Mas mahirap i-describe. Lalo na yung sound nila. Heto lang masasabi ko: medyo bastos yung “Kaliwete”, wasak yung “Ha Ha Ha”, walang sense ang “Kananete”, at di pa rin ako sigurado kung 100% sincere si Ely sa “Para sa Masa”. Maganda yung “Milk and Money” at “Andalusian Dog”, parehong lumang kanta na binigyan nila ng panibagong areglo, pero ayoko nang himayin pa kung ano man ang sinasabi nila sa lyrics.

Sa kabila nito, may isang kanta sa Sticker Happy na simple lang, pero malalim. Hindi sya maingay, walang masyadong gaheto—distortion man o sampler—pero mabigat. Tungkol ito sa love, tungkol sa faith. Tungkol sa mga bagay na akala natin ay totoo, pero malalaman natin sa huli, na hindi pala. Mga bagay na pinaniwalaan natin nang bata pa tayo. Napag-usapan namin dati yung line na “someone up there is waiting with arms open wide and smiling”. Sabi ko, ang pagkakaintindi ko, tungkol ito sa mga trapo, na tunay na tao lang pag malapit na ang eleksyon. Sabi ng kaibigan ko hindi, tungkol ito kay Papa Jesus. Napaisip ako noon. Sabi ko, hmm, may point sya. ‘Yung linyang “suffering is what you get for living” naman, nito ko rin na-ii-relate sa mga nababasa ko tungkol sa spirituality, sa Buddhism, at sa Tuesdays with Morrie. Life is suffering, yun ang totoo at “wala ka nang magagawa kundi sundin ito.” Ganun din ang mga pagkahaba-habang pelikula ni Lav Diaz. Naalala ko tuloy nung minsang napanood ko yung Melancholia. Tapos kinabukasan umuwi ako sa amin. Habang nasa bus, narinig ko yung “Gusto Ko Lamang Sa Buhay” ng Itchyworms. Muntik na akong mapaluha. Sa unang pagkakataon matapos mapanood ang walong oras na pelikula ni Lav Diaz, nakaramdam ako ng tuwa. It’s hard to explain. Matigas ipaliwanag.

 

Ang mga larawan ay hiniram lamang sa Facebook page ng ERASERHEADS : The Greatest Filipino Band Ever (Believe it or else.) at nilikha ni ACIII. This blog entry is brought to you by the numbers 6 and 9 and by the letter Ng.

One thought on “Matigas Paniwalaan

Leave a comment

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.