
Sunud-sunod na putok ng baril ang umalingawngaw. Sagutan ng putok. Habulan at barilan sa gubat. May mga humahabol kay Ben-Hur. Gumanti sya ng putok. Tumingin sa camera, nakangiwi ng bahagya. Sa harap naman ay may lumang sofa na bahagyang tumatabing sa ibabang bahagi ng telon. Medyo malabo din ang pelikulang nakasalang, at tila baligtad ang mga imaheng lumalabas dito. Sa harap ng telon, sa ibabaw ng sofa, umahon ang imahe ng isang babae.
Ganito ko naalala ang isang eksena sa isang pelikula ni Erik Matti. Isa lang sa mga tagpo sa mga pelikula nya na pag napanood mo, mahirap nang makalimutan. Merong din syang pelikula kung saan yung eksena naganap naman sa loob isang aparador. Pero balik tayo dun sa nauna. Sa pelikulang iyon, napaisip ako kung meron ba talagang mga iskwater na ginagawang bahay ang likod ng telon sa loob ng sinehan. Nasa pelikula eh, kaya malamang, nangyayari din sa tunay na buhay. Pwede rin na pinapaupahan ng management ng sinehan. Pero teka, ano nga bang klase ng sinehan ang tinutukoy ko? Meron pa bang mga tulad nito sa ngayon? Tingin ko meron pa, pero mangilan-ngilan na lang. Ito yung mga sinaunang sinehan. Wala sa loob ng mall at hindi rin nakakabit sa anumang establisemento. Ang sinehan, sinehan lang. Sa ganitong sinehan ako unang nakapanood ng sine, yung Magnum .357 ni FPJ. Sa probinsya meron din mga ganito, tulad nung sinehan sa isang pelikula ni Brilliante Mendoza na naipalabas sa Cannes. May napanooran pa nga ako dati nung bata pa ako, sinehan na wala pang aircon. Blower at air freshener lang. Pero mas gusto ko ang yari ng mga sinehan noon. Yung tipong makakapanood ka nang maayos kahit hindi ka nakaupo sa last row. Hindi naman siguro lahat ganun, pero tingin ko iyon ang standard noon. May balcony at may orchestra. Medyo mahal ng konti sa balcony. Pero mas kita mo naman nang buong-buo ang pelikula.

Sa probinsya namin, nung nasa college na ako, may isang sinehan na malaki, state-of-the-art ika nga. Fully air-conditioned na, digital surround sound pa. Ito na siguro ang pinakamagandang sinehang napasok ko. Ang kaibahan nya sa mga bagong mall ngayon, hindi sya sinehan sa loob ng mall. Isa syang sinehan, na may iba’t iba pang klaseng tindahan sa loob. Sinehan ang main attraction. Pero may mga side bet din tulad ng bar, mga kainan at ilang mga boutique. Pero olats mamili dun, kasi madalas, mas mahal ang mga bilihin. At wala syang grocery at department store. Pero kung panonood ng sine ang pakay mo, dun ka dapat pumunta. Isa syang paraiso, sa mga mahihilig…sa pelikula. Tatlo ang sinehan sa loob. Sa isang linggo, lagi akong may tatlong pagpipilian. Kung lahat gusto kong panoorin, kailangan kung iplano nang mabuti ang schedule ng panonood. Tinitimbang din kung aling subject ang pwede kong libanan, at kung magkakaroon ba ng exam o hindi. Mahalaga ring i-consider ang oras ng palabas. At itanong sa sarili kung aabot ba ako last trip pauwi, pagkatapos ng pelikula.
Dati, hindi pa uso ang mga malls sa probinsya namin. May isang malaking shopping center, pero hindi sya tinatawag na mall. Kung tutuusin, maituturing mo na rin syang mall. Meron lahat – food court, supermarket, grocery, arcade – lahat ng basic features ng isang mall, meron din sya. Meron din itong sinehan. Dalawa. Pero di tulad ng mga sinehan sa mga malls ngayon, malaki din ang sinehan dito.
Ano nga bang nangyari sa mga sinehan ngayon? Bakit paliit nang paliit ang mga sinehan. Dahil ba kahit marami lagi ang tao sa mga mall, ay kakaunti naman ang pumapasok sa sinehan? At di na ba kayang punuin ng manood kung ang sinehan mo ay may espasyo na kasing laki nung sa luma? Hindi na ba uso ang sinehan na parang nasa balcony ka? Kung maliit ang sinehan bakit kailangan pagkalaki-laki ng screen nito? Ang hirap tuloy manood.
Naalala ko nung minsan manood ako ng pelikula ni Lav Diaz sa isang high-end na mall. Dahil high-end ang mall at ito ay nasa isang high-end na lugar, umasa ako na maayos ang sinehan dito. Pero hindi, tulad din mga sinehan sa ibang mall na kapareho ng pangalan nito, hindi sulit ang panonood. Hindi ko alam yung ibang nanonood kung napapansin ba nila ito. Na sobrang laki ng screen pero hindi sapat ang layo ng upuan mo para makita mo ng lubos ang pelikula. Walang tamang anggulo at hindi kayang saklawin ng paningin mo ang kabuuan ng telon. May mga detalya na hindi mo mapapansin. Pamaya-maya kailangan mo rin i-scan ang buong tabing para makita ang lahat nang nangyayari sa loob nito.
Bilang isang taong may kaunting nalalaman sa desenyo, naisip ko tuloy iyong mga propesyonal na nag-dedesenyo ng mga buildings tulad ng mall. Pasok ba sa standard ang sukat ng sinehan sa mall na ito? Makakalabas ba agad ang mga tao kung sakaling magkaroon ng sunog? Una hindi ko alam kung meron ngang standard na sukat, pero malamang meron. Eh ano ngayon? Alin ba ang mas mahalaga, makatipid at kumita ng maayos ang mga malls o ang pagsunod sa standard?
Pero hindi naman talaga ito malaking problema. Manonood na lang ako sa bahay. Magsasalang ng DVD at magbubukas ng malamig na beer. Sarap.

(Taxi Driver screenshot taken from http://cinemajam.com; Serbis screenshot taken from https://www.cineplex.com.)